Chapter ONE
MUMUKAT-MUKAT NA NAGISING si Carlotta nang umagang iyon. Nang maalala kung saan siya nakatakdang tumungo, napaungol siya at nagtakip muli ng unan sa kanyang mukha. Pero mataas na ang sikat ng araw at bumangon siya saka pumasok sa banyo para maligo.
Habang naliligo ay dismaya niyang iniisip ang mangyayari sa kanyang araw…
Uuwi siya sa Laguna para um-attend sa birthday party ni Tita Lenny, isa sa mga kaibigang matalik ng kanyang Mommy. Isa sa mga ‘sisters’. Mahal niya ang mga sisters na parang second mommies. Ang siste, talagang parang tunay na anak din ang tingin ng mga ito sa kanya at may mga liberties ang mga itong ginagawa para guluhin ang buhay niya.
Tiyak na nakahanda na naman sa pagpe-play cupid ang mga magsi-sister. Tiyak na may kung sino na namang nauto ang mga ito para ligawan siya pagdating na pagdating niya. Poor, stupid men. They didn't always knew what they have gotten themselves into until it was too late.
"At kailan 'yon?" natatawa niyang tanong sa wala noong palabas na siya ng banyo. Nginisian niya ang sarili sa salamin noong nakatayo na siya sa harapan ng vanity. Gumawa siya ng mukha. Pinalaki niya ang mga butas ng kanyang ilong, pinagdikit niya ang kanyang mga kilay. And she scowled heavily, like a man, like her daddy when he was feeling particularly insane of her mom’s ideas. "When they meet me. Nye-he-he-he."
Saka tumirik ang kanyang mga mata bago siya nagsimulang humila ng damit sa closet para magbihis.
Twenty-six years old na siya. Apat na taon pa bago siya mag-thirty pero ang nakikita agad ng matatandang ginang ay nasa twilight na siya ng buhay niya. Samantalang ni hindi niya iyon kailanman iniisip.
Okaaayyy... not actually never. Naiisip din naman niya iyon paminsan-minsan, pero hindi sing-desperada gaya ng paraan ng pag-iisip ng mga sisters. Kaya lang, hindi siya iyong klase na desperadong ma-in love. Hindi iyon ang priority niya sa buhay niya. Hindi rin siya iyong klase na madaling ma-in love. Sa tatlong nagdaang pinakamasugid niyang manliligaw dito sa Maynila mula noong “gumanda” na siya, hindi siya nakumbinsing ma-in love. Samantalang kung tutuusin, sabi nang marami sa kanyang mga kaibigan, big catch daw ang mga ito. Iyong klase na mahirap nang hanapin sa panahong ito.
Kung mahirap hanapin, bakit pahara-hara sa dinadaanan niya, katwiran niya sa mga ito. Madalas siyang nasesermunan kapag binubuka niya ang bibig niya tuwing ganoon ang topic kaya sinara niya ang bibig niya. At least, hangga’t kaya.
Mabuti na lang sumuko na rin iyong tatlo. Siya higit sa lahat ang nakababatid na nagsasayang lamang ang mga ito ng oras sa kanya. Eh kawawa naman. Mababait naman at swerte sa ibang babaeng tiyak niyang naghihintay lamang mapansin. Alangan namang sagutin niya kahit isa dahil lang sa awa. Ano namang klaseng kalokohan 'yon, 'di ba?
Sandali siyang tumigil sa lahat ng ginagawa para pakiramdaman ang kanyang sarili. No, so far, hindi pa naman siya nakadarama ng kamiserablehan—ganoon daw kapag hindi in love o walang in love sa ‘yo, eh. Imposible naman daw na hindi siya maghangad ng romantic love life. Kaso, masaya siya talaga. Masaya siyang single at masaya siya sa trabaho niya. Naaalangan lang siya kapag ganitong uuwi siya dahil kahit nami-miss naman niya ang mga magulang niya at baliw nitong kapatiran, hindi talaga niya gustong iniraraket siya sa kung sinu-sino.
Nag-effort naman ang mga manliligaw niya dito sa Manila bukod doon sa tatlo. Dinala siya sa mga mamahaling restaurants, niregaluhan siya ng mga mamahaling regalo, mamahaling mga flowers at sandamakmak na mamahaling mga tsokolateng in-enjoy nang sobra ng staff sa office. Minsan cake. Minsan icecream. Minsan kahit na anong panulsol sa mga tao sa paligid niya para ilakad ang mga ito sa kanya. Pero talagang hindi siya ma-in love.
Dito iyon sa Manila.
Sa probinsya, sa baranggay ng Santa Lucia na teritoryo ng sisterhood, hindi ganoon kalaki ang pagkakaiba. Nag-effort din ang mga ito. Ang nag-iisang iba, kilala siya roon. Alam ang history niya. Alam na obese siya dati. Obese na tomboyin kung magkikilos. Namimitik ng maldita. Nanununtok ng bading. Na maldita. At nambabatok ng bully. Dabyana siya at matangkad pero kung maganda man siya natakpan na iyon nang naunang dalawang kalidad na nabanggit na.
In short, hindi siya girlfriend material noong panahon. At tuwing nakakikita siya ng mga dating kakilala, nakikita ang naaalala ng mga ito sa kanya sa mga mukha ng mga ito… umuurong ang kalooban niya.
She might have appeared tough in the past that she made knees quake. Pero hindi siya masungit kung walang dahilan. At masakit kapag nakaririnig siya ng mga salitang nakakainsulto dahil sa hitsura niya. O kapag naririnig niya ang pagtatawa kapag nagdaraan siya o nakatalikod siya. Kilala siyang palaban pero kung alam lamang ng mga ito kung gaano karaming laban ang nilampasan niya dahil hindi pa man, nasaktan na siya. Sumuko na siya. Gaano karaming beses ba siyang nagtago sa paglamon? Maraming beses, bah.
Walang taong perpekto, hindi cliché iyon sa kanya—she learned that first-hand. Natuto siyang mang-discriminate sa mga manliligaw at mga kaibigan hindi dahil natural niya iyong ugali kundi dahil defensive mechanism niya iyon para maipagtanggol ang sarili niya. Natutunan niya iyon sa mga ito.
Ngayon, seksi na siya. Marunong na rin siyang magpaganda—hindi mahirap iyon dahil talaga namang maganda na siya noon pa. Maganda ang kanyang mga mata—madalas pansinin ng mga teachers niya at matatanda kung gaano kapungay niyon at kung gaano kakapal at kalantik ang mga pilikmata mula pa man noong maliit siya. Ngayon ay hindi na matatanda lamang ang pumupuna niyon. Matangos ang kanyang ilong, pamana nang isang ninunong Espanyola. At ang kanyang mga labi, mapupula at seksi ang hugis—full ang lower lips, mukhang malambot, at madalas ngumiti. Ngumiti siya sa salamin at nagpakita ang kanyang puti at pantay-pantay na mga ngipin. Namana niya ang ngiti niya sa kanyang mommy. Ang mga mata niya sa kanyang daddy. Pero nitong huling mga buwan, tinatatwa ng dalawa kung kanino niya namana ang kanyang pag-uugali. Napabuntunghininga siya.
Mahaba, tuwid at makapal ang salon cared niyang buhok. Malinaw na rin ang kanyang mga mata dahil sa isang laser operation kaya hindi na siya naka-reading glasses. Dahil matangkad siya, maganda ang hugis ng katawan at maganda ang kutis, madali siyang bagayan nang kahit anong damit.
Maliban sa suot niya ng mga sandaling iyon. Kahit yata si Naomi Campbell na nagagawang fashionista’s dream ang kurtina, lalayuan ang damit na iyon. Which was exactly why she's wearing it. Kasi uuwi siya sa Sta. Lucia.
Sinuot niya ang bestidang mahaba, bulaklakin at walang kahugis-hugis hindi lamang dahil gusto niyang ma-turn off sa kanya ang sinumang makakaharap niyang potensyal na manliligaw, kundi dahil na rin hindi niya kayang paniwalaan ang mga naririnig niyang papuri ng mga ito ngayon.
Lalo't may alerto siyang memorya na nakaaalala nang eksaktong mga salitang pang-insulto na narinig niya mula sa kung sino man ang kaharap niya noong panahon.
Sinimangutan niya ang sarili niya sa salamin saka niya iyon tinalikuran. Hinanda niya ang iba pa niyang mga gamit at hindi nagtagal, bumaba na siya ng condo at sumakay sa kanyang Kia Soul.
Dadaan siya sa office bago siya umuwi.
GRAPHIC ARTIST si Carlotta. Tumatanggap din siya ng promotional ad campaigns, e-book project, digital product launch projects, website design at anumang hingin ng clients nila na nagtutungo sa opisina o suki online. Sinimulan nila ng mga kaibigan niya ang negosyong Pinoy Graphic Talents walong taon na ang nakararaan, bago pa man sila grumadweyt sa college. Nagsimula iyon sa dorm room nila sa university gamit lang ang laptops, printers, at sales talk.
At puyat.
At pagod.
At multi-tasking.
Lahat ng pwede at lahat ng abilidad na pwede, sige. Nang makapag-build up sila nang disenteng portfolio, d-in-evelop pa nila ang kanilang website. Unti-unti iyong sumikat sa Internet. Umabot sa puntong kinailangan na nilang bumuo ng three-people staff para sa isang working office para maalis sa mga balikat nila ang office stuff at makapag-concentrate sa trabaho. Fresh graduates sina Jing-Jing, Daryl at Cyrus noong h-in-ire nila. Ang mga ito ang bahala sa bookkeeping, payroll, at iba pang kailangang punan ng isang sekretarya, isang technical writer at isang accountant sa isang opisina. Madaling kausap ang mga ito, mabilis matuto. Kinailangan din nilang kumuha nang ibang graphic artists kapag sobra-sobra ang trabaho. Marami naman silang mga freelancers na kaibigan noong college days pa.
“Sure kayo, ayaw n’yo talagang sumama? Pwede naman kayong bumalik mamayang hapon. Kahit hindi na kayo d’on mag-overnight,” sabi niya kina Hannah at Juni na nasa sariling opisina ng mga ito at kanina pa nagsimula ng trabaho.
Umiling ang dalawa pero merong panghihinayang dahil matagal nang alam ng mga ito kung gaano kasarap magluto ang bawat isa sa sisterhood. Kaya nga naunawaan ng mga ito iyong isa pang dahilan, bukod sa depression, kung bakit siya naging balyena. Tinulungan siya ng dalawang pumayat hindi lamang dahil hindi marunong magluto ang mga ito—pinagtulungan ba naman siyang pabangunin sa kama tuwing umaga noong hindi niya kayang gumising para mag-jogging; cheering squad kapag malapit na siyang mamatay sa katatakbo; at animo military kapag nagrereklamo siyang hindi na niya talaga kaya. Pero noong nakikita na ang resulta, nagkusa na siya. Hindi na siya pinupuslitan ng tubig sa mukha kapag hindi siya agad magising sa madaling-araw, o kaya ay pinagtataguan ng pagkain kapag tumatakas siya sa gabi para mag-midnight snack.
Wala lang talagang magawa ang mga ito para kumbinsihin siyang manlalaki. Pero so far, hindi pa naman sumusuko.
“Sayang, ang daming trabaho. Gusto sana naming makita kung sinong nauto ng mga Mommy ngayon mo para ligawan ka,” nanghihinayang na sabi ni Juni na alam na agad ang dahilan kung bakit naka-get up siya nang parang isang white lady na na-murder noong 1950's.
Hindi niya ito tiningnan habang iniisa-isa ang mga sobre ng correspondence na dala niya mula sa desk niya. “Ewan ko nga ba, may nauuto pa.”
“Siguro dahil kahit anong suotin mo ngayon—kahit pa kumot—seksi ka pa rin at pretty.”
Bahagya siyang namula sa sarcastic na tono ni Hannah na kung noon ay seksi, namimilog na ngayon matapos manganak sa panganay. Hindi lang iyon, hindi siya nito maintindihan. Gusto siya nitong batukan sa pinaggagagawa niyang kabulastugan sa mga manliligaw niya. Palibhasa happily married na, gusto nito lahat nang nasa mundo nito ay masaya at in love. Pero sobrang bait at tino kaya ng asawa nito—gaya ng mga lalaking nakasalamuha nito buong buhay nitong maganda, lovable at charming ito—kaya hindi nito ma-imagine ang mga pinaggagagawa niya sa mga lalaking natitisod sa kanya.
Happily partnered din si Juni, unfortunately, kaya nungka siya nitong kampihan kapag pinagsisintiran siya ni Hannah. Napailing na lang siya at nangakong pasasalubungan niya ang mga ito nang sandamakmak na left-overs mula sa handaan kaya ngiting ngiti na si Hannah at pumapalakpak si Jing-Jing noong nagpaalam na siya.
Sino na naman nga kaya ngayon ang natakot ng mga sisters na ligawan siya, naisip niya noong nagda-drive na siya pa-Laguna. Pintsik, matandang binata, bakanteng binata, at mga anak nang kung sinong mga padrino at kumare, nagdaan na sa mga palad niya. Napailing siya. Hindi niya ma-imagine kung ano pang klase ng lalaki ang makakalakal ng mga ito para sa makamundong hangaring mapag-asawa siya at mapaanak ng maraming tabatsusing na mga babies.
Mabuti na lang at creative din siya. May arsenal siya na pang-depensa. She could maybe do the laugh—iyong napagkakamalan siyang may ilang mga luwag na tornilyo sa ulo. O kaya kakain na naman siya nang hilaw na sibuyas tapos madalas siyang maghihikab—preferably nakaharap sa kausap. Mas epektibo iyon kaysa dun sa tawa, every time. Gamit niya iyon sa mga talagang hindi niya kayang sikmurain kahit ma-imagine na maging boyfriend. Si Juni, pinayuhan siyang isang linggong huwag maligo bago siya umuwi. Kapangilabot. Baka siya ang unang mamatay sa amoy niya, ‘no? And Juni wasn't serious when he suggested it. He was just being sarcastic. Nagkulay green ito noong pinakita niya kunwari na kinokonsidera niya talaga ang suggestion nito.
Si Menchu, childhood friend niya sa Sta. Lucia, alam na hindi lamang dahil sa childhood trauma ang dahilan kung bakit biased siya sa mga taga-kanila. Nahalata rin nitong ayaw niyang pamanipula sa mga matatanda. Na napansin din niya pagkatapos nito. Totoong kapag tungkol na sa lalaking mamahalin niya, siya ang gusto niyang pumili. Iyong kapag dumating sa buhay niya, hindi tinulak nang kung sinong Pontio Pilato o sinulsulan ng mga matatandang kung hindi madala sa himok ay kung sino-sinong ninuno ang binabanggit para mapapayag ang ayaw. Pero hindi rin nagkukulang ang babaysut sa kasesermon sa kanya.
“Hindi naman dahil lang sa mga sisters kaya sila pumapayag ligawan ka,” protesta ni Menchu. “Syempre may iba pang dahilan.”
Umismid siya. “Dahil seksi na ako ngayon at maganda? Kung gan'on kababaw ang standards ng mga tao sa pag-ibig, hindi na lang ako iibig!"
"Hus, sobra ka d'yan. Alam mo namang kaya kami nagkagustuhan noong una ni Gilbert kasi pareho kaming pagkagagandang mga tao," bira nito sa kanya. "Mabuti na lang at ang gwapo ng asawa ko, dahil kung hindi, hindi ko rin malalaman na napakabuti rin niyang hubby at daddy."
Tinirikan niya ito ng mga mata. "Mabuti na lang na magaganda kayong mga tao dahil ang popogi ng mga inaanak ko!"
Tumawa ito. “Iyon pa. Pero hindi mo makukumbinsi ang mga sisters na tigilan ka dahil wala ka rin namang pinakikilala sa kanilang iba. Hindi namin kayang maniwala na walang nanliligaw sa ‘yo sa Maynila, ano? Bakit ba kasi hindi ka man lang nagbo-boyfriend para tumigil na sila sa pag-aalala? 'Yung huling umakyat ng ligaw sa 'yo, sobrang delicious. Modelo pa. Hindi ka man lang ba nakadama kahit konting katal noong nililigawan ka n'ya, ha?"
Nagbuntunghininga siya. “Alam mong isang lalaki lang ang nagpangatal sa 'kin, 'no? At ikakasal na ang pobre, tapos nasa kabilang parte pa ng mundo. Hindi na nga umuwi, hindi pa ako nahintay.”
Natawa na naman ito. "Pa'nong maghihintay, ni hindi niya alam na head over heels ka sa kanya n'on? Ni hindi nga n'ya alam na babae ka pala, eh."
Nagbuntunghininga na naman siya. "At kung nalaman niya, baka ni hindi niya ako gustong makita. Baka tinawanan lang niya ako. Baka nandiri siya sa mga pagkakataong ang bait-bait niya sa akin at pinagluluto pa niya ako ng chicken noodles o pinag-i-stock ako ng merengue kapag tumatambay ako sa kanila para labanan siya sa play station, dahil iba pala ang nasa isip ko. Minamanyak ko na pala siya!"
Ito naman ang nagbuntunghininga. “Bestfriend, hindi naman siya gan'on. At hindi ka rin gan'on."
Nagkibit siya ng mga balikat. "Sinong babae ang hindi maaakit sa isang gaya niya, aber?" At nagbuntunghininga siya ulit. Si Nathan ang nag-iisang lalaki, at tao, sa buhay niya noon ang hindi niya pinagdudahan noong naging kanyang kaibigan. Isa itong "kuya-kuyahan". In fact, siya noon ang may ibang intensyon kapag magkasama sila. He was so cool, so handsome, so smart, so kind... at mamatay siya sa kahihiyan kung kahit konti ay naghinala ito sa mga pinag-iiisip niya sa gabi tungkol dito bago siya makatulog yakap ang hegante niyang hotdog na unan.
"Oy. Twenty-six ka na. Once touched, once kissed ka pa lang ‘mantalang ako, tatlo na ang tsikiting.”
Napasimangot siya bigla. Isang foolish na pagkakataon noong namayat na siya na sumama siya sa isang party. Sa party na iyon, nalasing siya, at pinayagan niyang halikan siya at himasin nang isang gwapong sophomore. He was a good kisser, pero nawala iyong tama ng beer sa kanya sa himas. Sabi nang iba, normal namang nahahawakan ang babae sa gan'on kapag nagme-make out. They even had a call for it. Necking. And you could call the shots. Hindi abusado ang sophomore na iyon na ni hindi nga niya maalala ang pangalan.
Pero hanggang ngayon, tuwing naaalala niya iyong nangyari, meron pa rin niyong residue ng pakiramdam na marumi siya. Maginoo naman iyong lalaki, walang masamang reputasyon tungkol sa babae, and he genuinely liked her. Pero iyon pa rin ang kanyang naramdaman. Siguro dahil meron sa kanyang matinding paniniwala na walang may karapatang humawak at humimas sa mga buging niya kundi iyong lalaking mahal niya.
Lamang.
“Ipaalala ba ang edad at na happily married ka? Inaanak ko lahat nang pagkakapopoging mga tuta mo, 'no?” sa huli ay sita niya sa kaibigan.
“Hmm... wala ba kami talagang dapat ipag-alala? Hindi ka talaga...?”
Naloka siya nang maunawaan ang pinupunto nito. “Menchuuuu.... babae ito!" angal niya. "Maghanap kayo nang kamukhang kamukha ni Nathan, baka ma-in love ulit ako!”
Nagbuntunghininga ito ulit. At natapos ang topic. Pero pagkatapos muna siya nitong binalaan na baka ipapikot na siya ng mga sisters kapag kinabahan na rin sa kanya. Kasi nga medyo nagdududa na rin ang mga ito sa sexual preference niya, at natanong daw ito ng mga ito kaya nagtanong din ito tuloy sa kanya…
Napakunot ang noo niya habang natatanaw ang road signage na nagsasabi kung ilang kilometro pa ang layo niya sa bayan nila sa Laguna. Nito ngang huling mga araw, nakakaloka na ang mga pinagsasasabi ng mommy niya, na hindi siya ang nakarinig kundi ang daddy niya na nagtsitsismis naman sa kanya. Gustung gusto na raw makahawak, maghele at mag-alaga ng miniature niya. Mga kalahating dosena. Nangangarap na raw makahawak ng apo. Wala namang ibang aasahan ang mga ito kundi siya. Nag-iisang anak lang kasi siya, tapos sobrang delikado pa.
Nagbuntunghininga siya, napapailing.
Naku, baka nga mamaya, ipapikot na siya.
Kung napipikot nga ba ang mga babae.
Chapter TWO
MARAMI NANG NAKAPARADANG mga sasakyan sa harapan ng bahay ni Tita Lenny nang lumusot si Carlotta sa pagitan ng mga puno ng bayabas patungo sa maluwang na bakuran ng mga ito.
Medyo na-late siya dahil sa nadaanang aksidente sa kalsada at ni hindi na nga niya ibinaba ang bag niya sa sasakyan para ipasok sa bahay nila. Kinuha lang niya ang regalo at niliban niya ang hardin sa likod-bakuran saka lumiban sa kalsada saka lumusot sa hardin sa bakuran naman ng bahay nina Tita Lenny. Malapit lang ang mga bahay ng mga sisters sa isa't isa. Hay naku, konting lapit pa at lagot ang China. Mabuti na lamang at binoto ng mga ito si P-Noy dahil kung hindi, lagot din sana ang Malacañang. So far, ang mayor, governor at congressman pa lamang ng Laguna ang nangungunsume sa mga ito. At siya.
Habang tumatakbo, isinukbit niya ang bag ng regalo sa kanyang balikat at mabilis niyang inangat ang buhok niya para maikipit sa isang bun gaya nang ginagawa ng mga matatandang puti na ang buhok. Flat strap sandals ang nasa mga paa niya sa halip na high heels, iyong klase na sinusuot ng mga propetang naglalakbay sa disyerto sa Saudi Arabia at parang nagpapahaba pa kaysa tunay sa mga paa. Nabili niya iyon sa ukay-ukay para sa mismong purpose na ito. Oo, talagang gumagastos siya, ha? Basta pangit, binibili niya. Pinahid niya ang lipstick sa mga labi niya at hinubad niya ang hikaw na nagpapakinang sa mga mata niya. Isinilid niya sa kanyang bulsa.
Marami pang tao. Mabuti naman! Masesermunan na naman siya ng mommy niya kung late na nga siya, nahuli pa siya sa karamihan. Iinit na ang ulo nito sa suot na niya pa lamang.
Maingay noong pumasok siya sa front doors. Isang hakbang pagpasok at nakita siya agad ni Menchu. Ngiting ngiti itong sumalubong sa kanya. Yakap naman siya agad dito.
“Ay, ano ‘yan?!” gulantang niyang tanong nang makadama siya nang matigas. Napalayo siya ritong parang nasundot ng spring.
Ngumiti ito nang maluwang. “Fourth, Mare.”
“Ninang ako ulit? Bakit ang bilis naman?”
“Kailan ka ba huling umuwi?” anito, naninita.
“Three months ago?” sagot niya. Tambak sila sa projects nitong nakaraang mga buwan kaya nga siya ang dinadalaw ng mga mommy niya sa Manila kung gusto siyang makita ng mga ito.
“Four. So, ninang ka ulit kung… kaya mo pa?”
Natatawa siyang humalik sa pisngi nito. “Kung kaya mo, kaya ko rin, syempre. Nami-miss ko na ang mga inaanak ko. May dala akong pasalubong. Pupunta ako sa inyo mamaya, ha?”
“Excited ka na rin nilang makita. Alam nga kasing darating ka. At ay naku, may bago akong recipe! Pinamalengke ko na si Gilbert kaninang umaga pagkatapos nung text mo kagabi na matutuloy ka. Bagong version ko ng chicken pot pie. Gusto kong matikman mo.”
“Wow… parang natatakam na ako.” Alam na alam ng kaibigan niya ang gustong gusto niya sa pagkain. Iyong may kalahok na lasa ng mushrooms.
Bigla siyang nahila nang isa pang tao—ang kanyang Mommy. Hindi pa man siya nito nayayakap at nahahalikan ay nagrereklamo na. “I swear, anak, noong makarating ka sa Maynila saka ka nagmukhang taga-bundok. Bakit hindi mo na rin sinama sa nakatago ‘yang mga mata mo tutal nakatago na lahat?”
Napahagikhik si Menchu sa likod nito tapos sabi: "Mabuti pa ang mga taga-bundok, labas lahat, 'no? Pwera sa natatakpan ng bahag!"
Iningusan niya ang kaibigan. "Kampihan ba 'to, ha?"
Kinurot siya ng ina.
“Mommy naman, eh. Kumusta ka na? Ako po, mabuti. Wala akong nabanggang truck o kaya tao sa pagda-drive ko pauwi.”
Ito naman ang umingos. “Alam kong maingat kang mag-drive saka nakarating ka nga, hindi ba? May ipakikilala kami sa 'yo kaya behave ka.” Pinandilatan siya nito.
“Naman. Hindi ba man muna ako patitikimin ng icecream?” maktol niya.
Sa likod ng mommy niya, tinakpan na agad ni Menchu ang bibig bago makaalpas na naman ang tawa. Kunwari naman hindi siya narinig ng mommy niya pero hinila siya patungong buffet table at inabutan siya ng paper plate doon. “Kamamatay lang ng asawa sa America pero bata pa, ha? Twenty-nine pa lang, maykaya at abogado. Hindi nagkaanak kaya binatang binata.”
Naawa siya agad sa pobreng biyudo. And oh, that was a first. Biyudo. Ano naman kaya ang susunod? Nagbuntunghininga siya. “Mommy naman… nakapagbabang-luksa na po ba?”
At nakurot na naman siya. “Carlotta, sumeryoso ka! Nahihirapan na akong maghanap nang eligible bachelor para sa ‘yo. Nadala na silang lahat. Baka hindi ka na makapag-asawa n’yan.”
“Aray…” Hinaplos niya nakurot na parte. “Mommy... may mga lalaki rin po sa Manila, remember?” Biyudo, juice ko?! Hindi lamang ito basta heart-broken. Asawa ang namatay. Ibang klaseng sharing ang pinagsasaluhan ng mga mag-asawa. Tapos kamamatay pa lang, eentra na siya? No way, Jose-y! Kawawa naman. Siguro masyado pang aligaga kaya nauto ng mga mommy niya.
“Kahit taga-saan pa magdadalawang-isip sa hitsura mong ‘yan,” anito, nakatingin sa suot niya sa dulo nang matangos nitong ilong.
“Mommy, may mga lalaking gusto ‘yung babaeng hard-to-get,” sinsero niyang sambit. "At kung hindi ako nagkakamali, nabaliw si Daddy n'un sa alindog mo kasi nga, masyado kang nagpa-hard-to-get, 'di ba? At kung hindi pa ako ulit nagkakamali—arraaay!"
Binitiwan ng mga daliri nito ang manipis niyang kutis. "Nuknukan kang hard-to-get kumpara sa 'kin. Pinahirapan ko ang daddy mo n'un pero hindi siya magtitiyaga kung hindi ko siya pinatikim nang pakonti-konting tikim."
Ngiwing ngiwi siya. Hindi siya magtataka kung kulay green na rin siya. "Mommy, please? Information overload, eeww!"
Pulang pula na si Menchu sa kapipigil tumawa sa likod ng mommy niya, na medyo namumula na rin.
"Ayoko sa mga taga-Maynila," anas nito, palibhasa iyong iba sa paligid nila, umiiwas lang ng tingin pero nangingiti na rin at binibigyan siya ng "lagot ka" sign ng kamay kapag nakalampas na sa mommy niya. Minsan, nakakalimutan niyang alam ng lahat ang mga kalokohan niya gaya nang alam din ng mga ito ang reputasyon ng mga mommy niya. Malamang na may nagpupustahan pa kung sino ang mananalo sa kanila. "Ang mga pinipili ko para sa ‘yong mga tagarito, kilala ko maging mga kanunununuan at kung hindi man, mapagkakatiwalaan ko naman ang mga nagsipagrekomenda. In fact, kilala mo siya—itong bago. Kung hindi mo naaalala ang mga Delgado—kamag-anak ni Gilbert. ‘Yung kapitbahay natin dati na nag-migrate sa America noong highschool pa kayo?”
Nanigas siya bigla sa narinig. Nanigas, nanlamig, nataranta. “De-Delgado?” Isa lang naman sa mga pinsan ni Gilbert, asawa ni Carlotta, ang kung magkukwenta siya ay nasa edad na twenty-nine na ngayon, as opposed to her age of twenty-six. She was sixteen, and he was nineteen. At Delgado ang apelyido. May kinakasama ito sa Amerika, totoo. Ikakasal na ito rito. Sigurado siyang kung nakasal ang mga ito bago… my God, namatay ang fiancee ni Nathan? Sa mga mata ng Mommy niya, ang ka-live in ay asawa na. Pero… it couldn’t be him. Bakit wala man lang nabanggit si Menchu na umuwi na si Nathan?!
Biglang lumipad ang mga mata ni Menchu sa kisame noong bumaling dito ang tingin niya.
At sa sumunod ngang sandali, narinig niya ang pangalan sa bibig ng mommy niya.
“Kababalik lang ni Atty. Nathaniel Delgado noong isang linggo at dito na raw ulit titira, d’yan sa dati nilang bahay na ihinabilin lang naman nila sa kapatid ng Daddy niya. Dito na siya magpa-practice ng abogasya pero mag-i-schooling muna yata dahil syempre, iba ang kalakaran dito sa kalakaran doon sa ibang bansa kaya tamang tama, kapag naging kayo na, makapagkikita kayo lagi sa Maynila…”
Sa halip na magbiro kung pinaplano na rin nito kung ilan at kung anong gender nang magiging mga apo gaya nang dati, nag-panic na si Carlotta. Hindi na nga niya naririnig iyong sunod nitong mga sinasabi. Desperado siyang napalingos kay Menchu para magpasaklolo pero may kausap ito.
Nag-iisa siya!
“Mommy, hindi po ako interested,” sabi niya sa ina sa mariing tinig. My God, kapag nakita siya ngayon ni Nathan, itong hitsura niyang pindanggang ito, mamamatay siya!
Pero para lang siyang nakikipag-usap sa dingding. “Ang Daddy mo, kinakawayan ka, o. Puntahan mo muna. Hahanapin ko lang sina Melga.” At natulak siya sa direksyon ng kanyang Daddy na kausap ang barako nitong mga co-tennis players. Ang brotherhood.
Napilitan siyang lumapit sa ama, pero habang patingin-tingin sa kaliwa't kanan at sa mga sulok-sulok na parang may tinataguan. Na totoo naman. Nang makarating sa tabi ng ama, halos magtago na siya sa likod nito.
“Daddy,” paanas na tawag niya.
Napalingos ito sa bulong, saka nagulat nang makita siya. “Carlotta?” Agad itong lumingos sa kabila, sa kanan at kaliwa. "Bakit? Ang Mommy mo ba?"
"Nakita na n'ya ako," aniya rito.
Napaangat ang mga kilay nito at muling tumingin sa kanya. "O, anong problema? Nagkita na pala kayo?" Napatingin ito sa suot niya, kumunot ang noo, saka nagbuntunghininga. At hindi na nag-comment pa tungkol sa obvious. “Kumusta ang byahe mo? Maayos ba?”
“Okay lang ho,” sagot niya habang nginingitian ang ibang brothers. “Hello, Tito Jess, Tito Bob, Tito Luke, Tito Yoyo.” Nangingiting binati siya ng apat. Matapos ang sandaling palitan, ibinalik niya ang atensyon sa ama. “Don’t worry, dad. Wala akong nabunggong ten-wheeler truck, na-commit kahit isang road violation o kaya nasagasaang magsu-suicide,” sabi pa niya.
"Eh bakit ka bulong nang bulong? Wala naman palang pulis na huma-hunting sa 'yo? Saka... sino naman ang susubok humarang sa ‘yo sa suot mong ‘yan?”
Ngumiti siya nang matamis-mapait na ngiti. “My point exactly.”
“Your mother should really stop,” sympathetic nitong sambit habang nagngingitian na naman ang mga buddies. Better halves ng brotherhood ang sisterhood. At laging nabo-bulldozer ng mga ito—just like everyone else.
“So stop her,” aniya rito. Inangatan niya ng tingin ang mga ginoo. “Help me?”
Bumuka ang bibig nito, saka sumara. Biglang natahimik ang brotherhood at naging busy sa mga beer at pulutan sa mesa. “My point exactly,” pabuntunghininga niyang ulit.
“You should try your Tita Lenny’s ahm… slow-roasted Beef Tenderloin with Double Mushroom Ragout,” pag-iiba ng topic ng kanyang daddy. “Talagang masarap. Kunin mo ang recipe at ipagluto mo ako, iha. Ikaw... hindi ang mommy mo.” Pabulong na iyong huli. Nitong huling mga taon ay naging matabang na ang mga luto ng mommy niya, iniaayon ang recipe sa edad ng mga ito lalo na't nagkaroon nang konting problema sa puso nito ang daddy niya about five years ago.
Napaikot ang mga mata niya. Kung sino man ang naniniwalang mga lalaki ang dominating gender, hindi pa nakakarating dito sa Sta. Lucia. Wala siyang pag-asa sa brotherhood. Nag-excuse siya para kunwa hanapin ang birthday celebrant pero tatakas siya pauwi para magpalit.
She was never going to meet Nathan wearing this ugly rug!
Nasalubong niya si Menchu bago siya makatakas. Hinila niya agad ang braso nito.
“Pambihira ka! Hindi mo man lang ako binalaan!” anas niya.
“Ayaw mo n'un, surprise? Saka matagal ko nang sinasabi sa ‘yo na babalikan ka ng mga kalokohang ginagawa mo sa mga lalaking tagarito. O hayan, napala mo.”
"Samahan mo ako. Magpapalit ako.”
Tinawanan siya nito. “Akala ko ba gusto mong magpa-hard to get?" Napatingin ito sa likod niya, saka nawala ang tawa. "Uh-oh."
"What?"
Halata sa mukha nito ang pagkadismaya kasama ng tawa nang pabulong na sumagot. "Huli na ang lahat, bestfriend. You are sooo screwed..."
"Iha?!" excited na tawag ng Mommy niya! And of course! Hindi si Tita Melga ang hinanap nito, kundi si Nathan!
Hinawakan siya nito sa mga balikat at wala siyang choice kundi humarap sa direksyon kung saan siya nito ibinaling.
Isang kurap at magkaharap na sila ni Nathan.
He was Nathan. As in really Nathan. Isang fully-grown man at hindi na nineteen; medyo iba sa naaalala niya at constantly ay napapangarap. Still tall, still a little sun-kissed brown, still smartly dressed, although that seemed to have matured with him, too. Kung dati faded jeans at cotton tee, ngayon ay black denims at polo-shirt. He looked sexier. Ilang sandali itong kumurap habang napapatitig rin sa kanya. Hindi maipaliwanag ang ekspresyon sa gwapo nitong mukha.
"Carlotta?" anito na parang tine-testing ang pangalan.
Ngumiti siya. Ngiwi yata dapat, pero pinilit niya. “Hi, Kuya.”
Nang marinig ang boses niya, nahati ang buong mukha nito sa lumarawang ngisi. Halatang hindi ito makapaniwala. "Wow, you are all grown up!" Pagkatapos ay kumunot ang noo nito. "And thin. What happened? Nagkasakit ka ba or something?"
Napaangat ang isa niyang kilay at medyo galit siyang sumagot. "Pumayat lang ako, nagkasakit agad? Hindi ba pwede munang nag-exercise?!" Gusto niyang umiyak. Magwala! Bakeeet?! Gaaahhhwwwwddd! Ang dami niyang seksing damit, iyon pang nasuot niya sa muli nilang pagtatagpo ni Nathan ay kumot na syempre, bumagsak sa kanyang seksi na ngayong katawan na parang, well, kumot!
Tahimik na talaga noon pa mang humarap siya kay Nathan. At least, ang mommy niya at sisters, tahimik. Obviously kasi gustong maobserbahan ng mga ito ang kanilang pagtatagpo ng bagong biktima ng mga ito.
Pero matapos ang kanyang sinabi, lalong tumahimik.
Wow.
Awkward.
Working Title: Pag-ibig Ba'y Kristal
For Submission to: Precious Hearts Romances/Gems Imprint
Pseudonym: Noelle Arroyo
No comments:
Post a Comment